Electrical and Electronics Engineering Institute

University of the Philippines - Diliman

Message for the Graduating Class of 2017

by Williard Joshua D. Jose, BS ECE, summa cum laude 2017, during the UP College of Engineering Recognition Rites held in the Philippine International Convention Center, June 26, 2017

 

Sa ating dean, Dr. Rizalinda de Leon; UP Alumni Engineers President Engineer Adrian Arias; UP ERDFI President Engineer Emilio Tumbocon; Guest Speaker Engineer Rufino Bomasang; Sa iba pang mga panauhin, faculty and staff, alumni, sa mga magulang at sa iba pang magsisipagtapos, magandang hapon po sa inyong lahat.

Una sa lahat, congratulations sa lahat ng mga magsisipagtapos ngayong araw.

Inhenyeriya: ito ang paglalapat ng agham upang matugunan ang pangangailangan ng sangkatauhan. Napakaganda ng kahulugang ito. Ngunit napakahirap din nitong aralin. Mula sa matematika, pisika, hanggang sa engineering sciences, napakalawak ng ating kailangang intindihin. Sa mga kumuha ng ES1, marahil hindi natin makakalimutan kung paano kumuha ng “true length”. O di kaya naman para sa nag-Physics 71, ang pagkuha ng coefficient of restitution. Sigurado akong natatandaan pa natin itong mga napakahalagang aralin… Syempre hindi naman natin kayang matandaan lahat ng ating natutunan; kung hard drive nga may memory limit, tayo pa kaya. Ngunit hindi pa rin natin maikakaila na sa bawat bagong kaalaman na ating natutunan, tayo ay nagsikap sa pag-intindi at pag-analyze ng ating mga aralin.

Dito rin makikita ang ating pagiging UP student: nagpupursige at hindi sumusuko. Itinapon tayo ng UP sa mga mahihirap na exams, projects, at requirements, at nang tayo ay makaahon, tayo ay naging mas matibay, malakas, at handa sa mga pagsubok ng buhay. Sigurado akong lahat tayong magsisipagtapos ngayon ay magiging inhenyero na may tatak UP. Nais ko lamang magbanggit ng mga taong tumulong sa aking pagtatapos. Una, babanggitin ko po ang aking mga kaibigan at kaklase na totoong maaasahan sa lahat ng oras. Mula sa EEE barkada ko, hanggang sa UP Circuit, PSYSC, Yusung, Dagisik UP, at UP Programming Guild. Sila ang pinagkaabalahan ko ng panahon na nagpasaya sa aking buhay-kolehiyo. Kabilang na rito si Rangel na naging malaking inspirasyon sa akin.

At kamakailan ay naging kontrobersyal kaming dalawa kaya siguro naging mas makulay ang pagtatapos naming ito. Hindi ko alam kung gugustuhin ko bang naging “instant celebrity” kami, na dahil ba sa pagiging summa cum laude, o dahil ba sa…ibang bagay, ngunit nandyan na at wala na rin sigurong magagawa.

Going back, kasama natin ang ating mga kaibigan at org sa kasiyahan at kalungkutan, sa madaling exams at sa mahihirap na exams, pati na rin sa kalokohan. Kaya isang malaking pasasalamat sa ating mga kaibigan. Babanggitin ko rin po ang aking mga naging guro at propesor, simula sa mga guro ko sa UP Integrated School, sa Philippine Science High School, at syempre sa mga propesor ko sa UP Diliman. Kahit pa minsan nalalate tayo sa klase, o di kaya’y nag-aabsent (aka Eng’g week), tinutulungan pa rin nila tayong intindihin ang ating mga lesson.

Pasalamatan din po natin ang lahat ng ating mga guro at propesor na walang sawa ang pag-gabay sa atin at sa mga susunod pang henerasyon. Nais ko rin banggitin ang aking mommy at daddy, maraming salamat po sa inyong pagsuporta sa akin. May dalawa nga pong magkaibang tao na nagsabi sa akin noong weekend, to quote, “Graduation is not really about the students. Graduation is for the parents.” Kaya para sa lahat ng mga magulang at tumayong magulang na nandito ngayon, na pinagsikapan, pinilit, at iginapang ang aming pagtatapos, na sinuportahan kami hanggang sa dulo, maraming salamat po. Hindi namin maaabot ang aming narating kung wala po kayo. Bigyan po natin sila ng masigabong palakpakan. Syempre isama ko na rin si ate kasi baka magtampo. Salamat din sa tulong mo sa iba’t ibang bagay, at pati na rin dahil sa ating “intense discussions” na tinulungan mo akong ma-develop ang aking quick-thinking and argumentation skills. Salamat din sa ating mga kapatid at mga kapamilya na kasama natin sa ating buhay. At higit sa lahat, sa Panginoon sa walang sawa nyang paggabay.

Sa ating pagtatapos, marahil ay iba-iba ang ating magiging propesyon. Syempre marami sa atin marahil ang mag-pa-practice ng ating engineering degree, habang ang iba naman ay maaaring magturo sa unibersidad. Hindi rin mawawala ang iba na baka mag-ca-career shift at maaaring mapunta sa marketing, sa arts, at sa literature. Ngunit ano pa man ang ating pasukan, nawa’y matandaan natin na tayo ay mga Iskolar ng Bayan, mga Inhenyero para sa bayan. Lahat tayo ay may kakayanang tumugon sa mga suliranin ng lipunan, mula sa paghimay ng mga problema, hanggang sa pag-“engineer” ng mga soludyon para dito. Huwag natin kalimutan na gamitin ang ating mgatalento sa pagsisilbi sa bayan. Kahit pa gawin tayong “memeng ilan nating kababayan, tandaan pa rin natin ang ating mandato bilang taga-UP: “Serve the people,” ika-nga. At muli, isang malaking pagbati para sa mga bagong inhenyero ng UP Diliman.

Williard Joshua D. Jose, BS ECE, summa cum laude 2017